Ilang Milya Na?
(Lincallo, Merilyn L)
Ilang milya na nga ba ang iyong natahak?
O, kaybilis namang magkaroon ng pakpak
Tinawid ang daan na parang walang lubak
Ginawa ito kahit luha’y pumapatak.
Parang kaylan lang noon tayo’y nagkasama
Musmos man tayo pero laging nasa tama
Ang yong pagmamahal
na aking nadarama
Hiling ko sana, ika’y muling makasama.
Masakit sa damdamin, mahirap tanggapin
Ang iyong paglayo sa puso’y di maatim
Ilang milya na nga ba malayo sa akin
Ang pangungulila, sa puso’y nakatanim.
Nais kong ika’y muling aking masilayan
Kahit isang beses lamang sa isang buwan
Makakulitan lang at makipagkwentuhan
Iyan ang nais ko sana’y ako’y pagbigyan.
Pero alam ko na ikaw ay may layunin
Suportahan kami at ako’y pag-aralin
Pangako ko sayo aking pagbubutihin
Kasipagan ang siya kong paiiralin.
Salamat!, salamat sa
iyo kapatid ko
Alam kong lahat ng ito’y bukal sa iyong puso
Mahal na mahal kita, yan ang tandaan mo
Kahit ilang milya na ang agwat ko sayo.!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento