ASUL NA KWADERNO
(Lincallo, Merilyn L.)
“Nais kong malaman Ama, saan ako
nagkamali!”
Yaon ang kataga na nakasulat sa
huling pahina ng isang kulay asul na kwaderno na hindi sinasadyang aking
nabasa.
Halos mag-iisang linggo na nang
mawalay sa piling namin si Belle. Siya ang panganay kong kapatid. Ang tanging
naiwang ala-ala na lamang niya sa amin ay ang
kulay asul na kwaderno na maingat na nakalagak sa kanyang de-susing
tukador na nasa kanyang silid. Nag-iisa ako sa dating masaya at kaakit-akit na
maluwang niyang silid na ngayon ay napalitan na ng luma at makutim sa paningin.
Naaalala ko noon na lagi ko siyang kinukulit, inaasar at tinitingnan ang
kanyang mga ginagawa na siyang ikinagagalit nito na daig pang laging dinadatnan
ng buwanang dalaw. Naging libangan na niya ang pagsusulat ng mga nangyayari sa
kanya sa buong maghapon, ultimong ang pagpasa maging pagbagsak niya sa kaniyang
pagsusulit, ang palihim na pagtingin niya sa mata ng kanyang “crush” at halos lahat na nga yata ng mga nangyayari sa
kanya minu-minuto ay nailagay na niya. Siya ang babaeng subsob sa pag-aaral
kaya’t hindi maitatanggi na mas paborito siya ng aming mga magulang kahit na
hindi direktang ipinapakita ng mga ito. Pareho
kaming pumapasok noon, ako ay kumukuha ng dalawang taong kurso sa kolehiyo
samantalang si Belle naman ay apat na taon ang kurso. Dahil sa malayo ang aming
paaralan sa aming bahay, napagdesisyunan nila na kumuha na lamang ng isang
bahay-paupahan para sa aming magkapatid. Nakalulungkot ang mga panahong iyon.
Hindi nakaliligtaan ni Belle na hindi umuwi sa mga araw na walang pasok dahil
nais niya parati na masilayan ang kanyang mga magulang. Maloloop mo siya kung
hindi uuwi ng isang linggo sa isang buwan. Wala pa siyang isang araw sa
bahay-paupahan ay kaagad na itong tatawag sa aming magulang. Lagi na lamang
idinadaing sa aming mga magulang ang halos araw-araw na pananakit kanyang ulo.
Inaamin ko na minsa’y naiirita na ako sa paulit-ulit niyang pagdaing na para
bang sirang plaka.
Sa tuwing umuuwi si Belle lagi na
lamang niyang ikinukwento sakin ang paespesyal na turing sa kanya ng aming mga
magulang. Oo nagtatampo at naiinggit ako ng mga araw na iyon. Gusto ko sana
siyang pigilan sa kanyang pagsasalita ngunit naalala at napagtanto ko na ito
lamang ang pagkakataong nakikita ko ang pagkinang ng kanyang mga mata at ang
dahan-dahang pagngiti ng kanyaang mumunting labi, kaya naman pinid lamang at nakikinig
ako sa kanyang tabi kahit na masakit sa aking kalooban. Minsan nama’y dumarating sa punto na nagkukuwento siya habang
nangingilid ang luha at sasabihin niyang:
“Christian, hindi ako umiiyak ha.”
Pero ang totoo nagsisimula nang mamumuo sa kanyang mga mata ang tubig na
animo’y kristal, sabay dudugtungan ng ganitong pahayag: “Alam mo ba kahapon noong
umuwi ako sa bahay, hindi ko nadatnan si Tatay. Umuwi siya mag-aalas onse na ng
gabi, lasing. Alam mo na kung anong sunod na mangyayari dun di ba? Isang
malupit na bangayan na naman at batuhan ng masasakit na salita na kesyo wala na
raw si tatay ng kalayaan, iyong mga ganoong bagay. Gusto ko silang sumbatan,
gusto kong sabihin sa kanila na minsan na nga lang akong umuwi ganyan pa ang
makikita at maririnig ko buhat sa inyo. Kahit sobrang dami kong gawain,
nakukuha ko pa ring umuwi para lang makasama kayo dahil para sakin napakasaya
niyong kasama. Pero nagkamali pala ako. Matanda na kayo pareho.Sana naman
alagaan niyo ang bawat isa lalo na Tay si Nanay, at sana naman panaigin niyo pa
rin ang wagas na pagmamahalan sa isa’t isa.
Iyan ang naisambit niya sa akin. Alam
kong nais na niyang umiyak, iyong tipong makasisigaw siya sa sama ng loob at
maalis ang tinik sa kanyang dibdib. Ito na yata ang napakahaba niyang
pagkukuwento sa akin. Kinapapalooban ang kanyang buhay ng napakaraming lahok,
may matamis at may mapait. Totoong may sakit ang aming Ina. Kung pwede lang
saluhin iyong mga bagay na nagpapahirap at nagpapasakit sa kanya, siguro nasalo
ko na. Ngunit alam kong may rason aang lahat ng ito. Alam ko na darating ang
panahon na mabibigyang-kasagutan ang lahat ng ito.
Nakalimutan ko na may binabasa nga
pala ako. Muli kong sinulyapan ang bawat pahina ng kwadernong iyon. Habang
nakaupo ako at binabasa ang mga sinulat ni Belle sa kanyang kwaderno, napaisip
ako. Muli kong binuklat ang kasunod na pahina ng kwaderno subalit ito na pala
ang huling pahina. Naisip ko na baka may karugtong pa itong sulat. Tinangka
kong halungkatin ang silid niya. Nais kong malaman kung ano ba ang ibig sabihin
ng nasa huling pahina. Alam kong may kasunod pa ito, kung baga sa movie may part 1 at part 2 at kung sa nobela naman ay may
kaba-kabanata. Napakaaluwang ng kanyang silid. Natatakot akong buksan ang mga
mahahalagang dokumento na maayos na nakasalansan sa bawat kahon. May mga
pangalan ang bawat kahon, may nakalagay na mga subjek, koleksyon ng mga bgay na
kulay asul at ganoon din ang mga nakalagay na “My Personal Property, please
don’t open”. Nagkaroon ako ng pag-asa na malalaman ko kung ano ang susunod na
mangyayari. Muli akong napaisip at naibulong ko sa aking sarili, “Bubuksan ko
kaya ang kahong ito kahit na may sign
na don’t open?”
Binuksan ko ang kahon. Tumambad sa
akin ang makakapal na libro. Mayroong mga latest
version ng Webster Dictionary, mga
kwaderno na kanyang ginamit sa kanyang pag-aaral at maging ang maliit na
bibliya at rosaryo na bigay pa sa kanya ng pari ng aming parokya. Tunay na
kahanga-hanga ang aking kapatid. Sayang nga lamang at hindi ko man lang nasabi
sa kanya ang katagang tulad ng “Ang galing mo Ate”, “Keep Up the good work”,
“Bilib ako sayo”, at maging ang “Salamat Ate sa lahat, Mahal na Mahal kita”.
Gusto kong ibalik ang oras. Gusto ko muling masilayan ang ekspresyon ng kanyang
mukha habang nagbabahagi sa akin ng mga kasiyahan niya sa buhay at maging ang
kanyang mga hinaing. Gusto ko muling masilayan ang maaamo nyang mukha.
Habang hinahalungkat ko ang kahong
iyon, wala akong nakitang ibang sulat. Wala ang aking hinahanap. Muli akong
naghanap sa ibang kahon. Umagaw ng atensyon ko ang isang maliit na kahon na
animo,y basurahan na niya noon. Dahan-dahan ko itong kinuha buhat sa ilalim ng
kanyang higaan at dahan-dahaan kong inilapag sa mesa. Malakas ang kutob ko na
narito ang aking hinahanap. Buhat ditto ay nasilayan ko ang isang lumang piraso
o lukot na pahina ng isang kwaderno. Hindi ko na halos lubusang mabasa ang
nilalaman nito. Alam kong ito ang kasunod na pahina ng aking binabasa sa asul
na kwaderno. Inaaninagan ko ang ang nakasulat dito.
Dear God,
Ang buhay ay parang kwaderno, maaari mong punuin ng magagandang alaala at
maari mo rin namang itigil na, nasasaiyo na lamang kong susukuan mo na.
Marami po akong hinanaing na alam ko pong batid niyo. Masaya ang naging
buhay ko dito sa lupa, kahit na masasakitin ako, naging makabuluhan pa rin
naman ang pagtigil ko rito. Sa kabilang banda, nalulungkot ako sa mga panahong nararamdaman
ko na parang hindi kumakampi sa akin ang ang mundo. Naiisip ko, naging masama
ba akong anak at kapatid? Bakit parang nararamdaman ko na walang nagmamahal sa
akin, lagi na lamang Christian, Christian!. Naging mabuti naman akong anak sa
kanila at kapatid. Ni hindi ko man lang napakinggan o namutawi sa kanilang
bibig ang salitang “ Ang galing mo Anak,” o dili kaya “Ang galing mo Ate”.
Ginawa ko ang lahat, nagsikhay ako sa pag-aaral at naging mabuting huwaran sa
aking kapatid!.
Ngunit alam ko na mahal nila ako, ang gusto ko lamang sana ay mapansin
nila ako.
Nanginginig ang kamay ko habang
binabasa ang sulat na ito. Alam kong kaya inihiwalay niya ito ay para hindi pa
namin mabasa pa at alam kong bago siya mamatay ay naramdaman niya ang
pagkalinga na nais niyang makuha buhat sa pamilya kung saan siya nabibilang.
Muli kong isinaayos ang pagkakasalansan ng
kanyang mga gamit at isinara ang kwaderno na aking binabasa. Maingat ko itong
ibinalik at inilagak sa kanyang de-susing tukador. Ang asul na kwadernong ito
ang nagsisilibing alaala ng aking kapatid at naging sinag sa buhay na may
karimlan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento