Ang Mangingisda
Ni
Ponciano B. Peralta Pineda
Maging nang sumabog sa kanyang kamay ang dinamita’y nagsasayaw pa rin sa
kanyang isip ang mga lantsa ni Don Cesar na hindi man lamang natitigatig sa
hampas ng mga daluyong. Ang ugong ng kanyang motor, sa pandinig niya, ay tila
tugtuging nagbubuhat sa radyong nasa nagliliwanag na punduhan nina Fides.
Ito ang kanyang lakas at pag-asa: ang mga lantsa ni Don Cesar at ang punduhan
nina Fides. Ang mga bagay na ito ang nagsilang sa kanyang mithiin. Hindi
nawawaglit sa kanyang diwa saglit man. Ang kanyang mithiing binuo ng mga lantsa
at ng punduhan ay lalong kinulayan ng mga pangyayaring lumiligid sa kanyang
buhay. Katulad ng pangyayaring nakaraan.
Kanina, nang pakargahan niya ng gasolina ang kanyang motor sa punduhan nina
Fides, ay naulit na naman ang kanyang pinakaiiwasan: ang pangungutang kina
Fides.
“Kung maaari sana’y idagdag mo muna sa dati kong utang, ha, Fides?”
Tiningan lamang siya ni Fides. Ni hindi ito kumibo. Ngunit sumulat sa talaan ng
mga pautang.
Nauunawaan niya ang katotohanang ibinadha ng naniningkit na mga matang iyon:
pag-aalinlangan sa katuparan ng kanyang mga pangako. Nahuli niya ang buntot ng
sulyap na iyon.
Nang lumabas siya kahapon, kaparis din ng dalawang araw na napagdaan, ay hindi
siya nanghuli ng sapat na makatutugon sa pangangilangan nila ng kanyang ina at
sa kanyang utang kina Fides. Kaninang umaga’y humingi na naman siya ng
paumanhin sa ina ni Fides.
“E, ano ang magagawa natin kung di ka nanghuli,” ang wikang payamot ng in ni
Fides.
“Minalas ho ako,” nasabi na lamang
niya. “Baka sakaling swertihin ako mamayang gabi.”
Sinabi niya ito upang magpaliwanag;
upang humingi ng muling kaluwagan: upang kahit paano’y hugasan ng pakiusap ang
kanyang kahihiyan.
Hindi niya nagawang isipin ang
pagbabayd kina Fides. Inunahan siya ng pagsasabi ng kanyang ina kanginang umaga
ng “Magdiskargo ka muna sa punduhan anak.” Nababatid niyang wala silang
ibabayad kung sa bagay.
Nalalaman niyang sinundan siya ng
tingin ni Fides at ng ina nito nang siya’y magpaalam. Hindi niya narinig na
sinabi sa kanya ang katulad ng naririnig niya sa ina ni Fides kapag hindi
nakababayad ang mga mangingisdang mangungutang sa punduhan: “Aba, e Pa’no naman
kaya kami kung ganyan nang ganyan? Pare-pareho tayong nakukumpromiso…”
Malaki ang kanyang pag-asa ngayon.
Nagtitiwala siya sa kanyang sarili at sa dagat.
“Bukas hoy tinitiyak kong
makababayad na ako.”
Gabi na nang umalis siya sa Tangos.
Nakagapos siya sa dagat. Ngunit
kailanma’y hindi sumagi sa kanyang muni ang umalpas- ang lumaya. Ipinasya
lamang niya ang mabuhay sa dagat, ang maging makapangyarihan sa dagat, kagaya
ng may-ari ng mga lantsang pamalakaya sa tabi ng malaking punduhan.
Sapul ng pag-ukulan siya ng pansin
ang unang lantsa ni Don Cesar ay nakadama siya ng kakaibang pintig sa kanyang
dibdib: Ibig niyang magkaroon ng lantsa balang araw. Pag nagkaroon siya ng
lantsa’y hindi nasiya gagamit ng motor; hindi na siya sasagihan ng munti mang
pangamba, mangitngit man ang habagat, magngalit man ang sigwa sa laot. Hindi na
pansumandaliang lalabas siya sa karagatan. Maaari na niyang marating ang
inaabot na mga lantsa ni Don Cesar. Makalalabas na siya nang lingguhan. At
pagbabalik niya’y daan-daang tiklis ng isda ang kanyang iaahon. Hindi na rin
mangangamba ang kanyang ina kapag hindi siya nakakabayad ng gasolina at langis.
Matititigan na niya ang naniningkit na mga mata ni Fides.
Makapagpapakarga na siya ng kung ilang litrong gasoline sa kanyang barko. Kung
makakatabi ng kanyang barko ang kay Don Cesar ay magkakaabutan na lamang sila ng
mga mangingisda ni Don Cesar. “Ilang araw kayo sa laot, ha?” itatanong niya.
Siya’y sasagutin ko. At, “ako’y tatlumpong araw,” sasabihin niya pagkatapos.
Ang hangaring iyon ay tila malusog
na halaman: payabong nang payabong, paganda nang paganda sa lakad ng mga araw.
Sa pagkakahiga niya kung gabi’y tila kinikiliti siya ng ugong ng mga motor at
makina ng mga pangisdang humahaginit tungo sa kalautan. Ang huni ng mga
lantsa’y kapangyarihan manding nagbubuhos ng lakas sa kanyang katawan.
“Balang araw, Inang,” ang pagtatapat
niya isang gabi,” ay bibili ako ng lantsa.”
“Masiyahan na tayo sa isang bangkang
nakapgtatawid sa atin araw-araw.”
“Magsasama tayo ng maraming salapi,
Inang. Di na tayo kukulangin. Giginhawa ka na.”
Sa pagkakaupo nila sa tabi ng
durungawang nakaharap sa ibayo’y kanilang natanaw ang nagliliwanag na punduhan
nina Fides ang nangakadaong na mga lantsa ni Don Cesar. Naririnig hanggang sa
kanilang madilim na tahanan ang alingawngaw ng halakhakan ng mga taong
nagpapalipas ng mga sandali sa punduhan.
‘Nagniningning ang kanyang mga mata.
Ang kanyang puso’y punung-puno ng makulay na pag-asa.
“Talagang bibili ako ng lantsa,
Inang.”
Ipinaggiitan ng kanyang ina ang
pagkakasiya sa bangka na lamang.
“Ang kaligayahan ng tao, anak…”
Hindi niya naunawaan ang buntot ng
pangungusap ng kanyang ina. Ang diwa niya’y nasa malayo. Nasa dagat, nasa laot…
Isang mahabang kawil ng mga taon ang
dumaan sa buhay niya bilang mangingisda, bago siya nakapagtipon ng sapat na
salaping ibibili ng motor. Iyon ay isa sa makasaysayang pangyayari sa kanyang
buhay. Inari niyang isa nang tagumpay na walang pangalawa. Iyon ay
ipinagparangalan sa kanyang sarili’t sa kanyang ina.
“Di na ako ga’nong mahihirapan sa
pagsagwan kapag ako’y nagpapalaot. Ito na ang simula, Inang…”
Nauunawaan ng ina ang katuwaang
nag-uumapaw sa puso ng anak.
“Huwag mong kalimutan ang Maykapal,
anak,” ang sabi ng kanyang ina.
Maykapal ang lagging ipinang-aaliw
sa kanya. Maykapal sa gitna ng pagdarahop, ng sakit, ng sangkisap-matang
katuwaan. Nawawalan siya ng pananalig kung minsa. Kagaya ng kung siya’y hindi
pinapalad. Kagaya nitong tatlong araw na nangagdaan.
Nakabili na rin siya ng bagong
bangkang pinaglipatan ng motor. Gayon na rin marahil ang damdamin ni Don Cesar
nang siya’y unang magkaroon ng lantsang pamalakaya- ito ang wika niya sa
sarili.
Higit
na nag-ulol ang kanyang mithiin nang maging dalawa ang mga lantsa sa tabi ng
punduhan.
Ang
kanyang sarili’y malimit niyang tinatanong kung bakit dalawa na ang lantsa sa
ibayo: samantalang siya’y hindi nagkakaroon, hanggang ngayon, ng kahit isa man
lamang. Ito’y katanungang sumasaklaw nang malaki kapag napag-uukulan niya ng
pagmumuni. At lalo itong di niya matugon kung sasaklawin niya ng titig ang
gawing hilaga ng ilog; doon ay may punduhan, may mga apugan, may mga pagawaan,
may mga bangkang malalaki, may mga bagay na naggagandahan, may mga lantsa, mga
barko; ngunit sa gawing timog- sa kanilang pook- ay may mga bahay-pawid na
naglawit sa ilog, bangkang maliliit, mga manggagawa, mga mangingisdang porsiyentuhan
lamang.
Naging tatlo ang lantsa ni Don
Cesar. Palaki nang palaki ang punduhan nina Fides. At siya- nagtutumimbay naman
ang kanyang pagmimithi sa lantsa higit pang nagkakulay ang kanyang paghanga sa
punduhan.
Minsan ay narinig niyang pinag-uusapan
ng kapwa niya mangingisda ang dami ng salaping ipapanhik ng mga lantsang
pamalakaya ni Don Cesar.
“Isang labas lang pala ng bagong
lantsa ay halos bawi na ang puhunan,” ang pagbabalita ng isa.
“At ang pakinabang sa isang labas,
kung sinuswerte’y santaon na nating kikitain,” anang isa pa.
“Ow, di natin kikitain…” ang
pabuntot ng isa naman.
Pinagpatibay ng ganitong usapan ang
kanyang mithiin.
Isinalaysay niya sa kanyang ina ang
balitang nasagap sa umpukan.
“Kita mo na, Inang” ang pagmamalaki
niya, “biro mo iyon! Di ka na mahihirapan…”
Hindi makapangusap ang kanyang ina.
“… Di ka na gagawa…”
Pinigil na lamang ng kanyang ina ang
pangingilid ng luhang ikinubli sa kadiliman.
Hindi siya nilayuan ng pagkayamot
nitong nagdaang tatlong araw.
“Malas,” wika niya, “malas na
malas.”
Marahil,
naisip niya, kung lantsa ang kanyang gagamitin sa pangingisda’y hindi siya
magkakagayon. Kung may lantsa siya’y malayo ang kanyang aabutin; lalaban sila
sa panahon; makakarating siya sa malalim na pangisdaan; aariin niya ang mga isda
ng buong karagatan. Hindi uuwi nang walang huli.Kahit humangin.Kahit sumigwa.
Uuwi siyang may huli… maraming huli. Magagalak ang kanyang ina. Hindi na sila
maghihikahos…
Kangina, nang umalis siya sa
kanilang tahanan upang magpakarga ng gasoline sa punduhan, ai ipinasya na
niyang isangla, o ipagbili kaya ang kanyang motor para makabayad sa kanyang
utang. Subalit hindi niya nagawa iyon. Mahal sa kanya ang motor, mahal na
mahal. Hindi niya ipinagbili ni isasangla, kanino man. Ang motor niya, ayon sa
kanya, ay singkhulugan ng lantsang hantungan ng kanyang mga pangarap.
Hindi siya uuwi ng walang maraming huli ngayon;ito ang
kaniyang pasiya. Walang salang mag-uuwi siya ng maraming isda. Tiniyak niya
iyon sa ina ni Fides.
“Bukas ho’y tinitiyak kong
makababayad na ako.”
Ayaw niyang isagawa ang kanyang
balak.Nalalaman niya ang maaaring ibunga niyon.Nababatid niyang ipagbabawal
ipinagbabawal ng batas.
Napasama na rin siya sa paggamit ng
pamamaraang iyon noong araw. Ilang beses lamang naman. At wala namang napahamak
sa kanila. Hindi naman sila nadakip.Nag-uwi sila ng maraming isda noon.Malaki
ang kanilang napakinabang.
Ngayon, hindi dadako ang patrolya ng
mga baybayin sa gawing tutunguhin nila, ganito ang kanyang naisip. Siguradong
walang sagabal; walang makahuhuli;walang magsusuplong;walang magbabawa. Saka
minsan lang naman.
Pinag-ingatan niya ang pagkakabalot
ng dalawang malalaking dinamita sa ilalim ng kanyang upuang nasasapnan ng lona.
Hindi niya gagamitin iyon-kung… kung siya’y papalarin…nasa laot na siya.
Waring ibig lumikot ng hangin, habang tumatanda ang gabi.Laganap ang karimlan.
Kukuti-kutitap ang mga ilaw ng mga mangingisda sa kalawakan ng dagat. Wala rin
siyang huli. Pagod na siya sa kahahagis ng kanyang lambat. Gayun ma’y naging
kakatuwa ang kanyang dama. Tiyak, tiyak nang makababawi siya sa kawan;
makakabawi siya sa kawan. Muling inihagis ang kanyang lambat.Maganda ang
pagkakaladlad ng laylayan niyon.Natuwa siya.Natiyak ang kawan.Hindi siya
ililigaw ng kanyang karanasan.Mag-uuwi siya ng maraming isda.Ipambabayad niya
ang kanyang huli.Lumulukso ang kanyang puso.Inigot ang lambat.Mabigat.Inigot
muli.Ginamit ang kanyang lakas. Mabigat! Muling inigot.Inigot. At iyon ay tila
binitiwan ng isang malakas na kamay na nakikipaghatakan. Nagaid ang lambat!ang
lambat ay nagawak.
Talagang
uuwi na siya. Ibig niyang makarating sa Tangos. Ibig na niyang mamahinga. Nauna
sa Tangos ang kanyang kamalayan. Umuwi na sa Tangos. At tila isang tabing ang
nataas sa kanyang isip. Nakikita niya ang mga lantsa ni Don Cesar na lalong
magigilas sa dampulay ng liwanag na nagbubuhat sa nagsasayang ounduhan nina
Fides. Saglit na tumuon ang kanyang paningin sa tubig. Nagiti siya. Nakikita na
naman siya ng kawan. Muling naganyak ang kanyang kalooban. Inapuhap ang
nakabalot na mga dinamita. Binulatlat ang balutan. Kayganda ng dalawang bagay
na iyon sa kanyang paningin. Makauuwi na siya nang may dalang isda, maraming
isda. Makababayad na siya kina Fides. Sandali lamang ang pagsabog na niyon.
Pupugungin na lamang niya ang lambat na napunit. Mapupuno niya ang Bangka bago
dumating ang patrolya sa mga baybayin. Saglit na pinatay ang kanyang motor.
Hindi na siya nayayamot. Naliligayahan na siya. Tila tugtuging kumikiliti sa
kanya ang ugong ng kanyang motor. Kumilos ang kanyang lantsa.Pinahinto uli ang
kanyang lantsa.Mapuputi ang maiikling mitsa ng dinamita.Maiging pinagdikit ang
mitsa niyon, at kinamal ang dalawang bagay. Masisiyahan ang kanyang ina,
paggising nito kinaumagahan. “Sinuwerte ako, Inang.” Hindi ipagtatapat na
gumamit siya ng dinamita.
Malulungkot
ang kanyang ina. “Sinuwerte ako, Inang… Sinuwerte ako…!” kiniskisan ang
posporo.Tumilamsik ang ga-buhanging baga.Ayaw magdingas ang palito. Idinikit sa
gilid ng kanyang kilikili ang posporo. Nag-iniy.Ikiniskis uli.Hinipan ng
hangin. Ikinubli niya ang pagkiskis sa labi ng Bangka at kinagat ng apoy ang
palito inilapit, idinikit na mabuti sa dulo ng maikling mitsa ng dinamitang
mahigpit sa kamal sa kanyang kamay, sumagitsit, sangkisap-mata lamang,
sangsaglit lamang, mabilis, sumagitsit- parang kidlat na sumibad sa kalangitan
at kaalinsabay halos ng siklab na sumugat sa gabi’y isang nakabibinging
dagundong ang bumingaw sa buong kalawakan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento