Kahiwagaan
Ni
Pablo N. Bautista
May mga pangyayaring mahiwaga
sa ating buhay, mga pangyayaring kung
hindi lamang naganap sa ati’y halos di natin mapaniwalaan.
Yaon
ang buod ng isang aklat ng paham ng Hudeo na di sinasadya’y aking nabasa.
Nahikayat
ako ng kanyang mga paliwanag sa
kahiwagaaan ng kalikasan, at nakalingatan ko na tuloy na maaring tumawag sa
telepono si Magdalena. May matibay na
paniwala ang paham ni Hudeo sa kaluluwa ng tao at sa tibay ng pananampalatya.
May sarili siyang paniwala sa mga pangyayaring pangkatalagahan, tulad ng
pagbagsak ng meteor, ang pagkakaroon ng mga buntala at lindol. Sa bahaging
tinatalakay niya ang kamatayan at mga kaluluwang nagbabalik ay sinagilahan ako
ng bahagyang agam-agam. Gayunpama’y ipinagpatuloy ko ang pagbasa. Ang paraan
niya ng paglalahad ay may pambalani, at yao’y isang bagay na nagpapatingkad sa
kahiwagan ng kanyang paksa. Subali’t nang umabot na ako sa bahaging pinapaksa niya, ang mga maligni, ay
biglang- bigla kong binitawan ang aklat. Lumagapak yaon sa sahig bukas pa rin
sa huling pahinang binabasa ko.
Ako’y
hindi sadyang matatakutin, nguni’t ngayon, ang sagila ng pangamba’y
unti-unting tumatalab sa akin.
Sa labas, ang kalikasa’y may
tinig na Sali-salimuot. Lumalakas ang hangin at ang hagunot nito’y
ipinapakilala ng naglalangitngitang mga lumang haligi ng aming matandang bahay.
Sumasama ang panahon, at aywan ko kung anong kutob ang pumukaw sa akin, para
bang nagbabalang may mangyayari sa gabing yaon.
Nag-iisa sa maluwang na silid.
Ang silid na ito’y luma, napapalamutihan ng mga kurtinang bughaw, na ngayon, sa
kadiliman, ay makutim sa paningin. Sa tapat ko ay nakasabit ang isang malaking
orasang lagging tumutugtog ng ikalabindalawa: sa kalumaa’y hindi na maayos ang
pagbabalita nito sa oras. Sa kinakaliwa ko’y naghuhumindig ang isang itim na
aparador na may buo at nagingintab na salamin. Mula sa aking kinauupua’y
nakalarawan sa salamin ang aking mukha: karaniwan, kayumanggi, hawas, mga
matang malungkutin at waring nag-uusisa; paghihinalang mga tatlumpung taon na nguni’t kalian lamang nagdalawampu’t
lima.
Sa salami’y
nakahantad din ang isang nakasabit sa
aparador. Yao’y isang malaking kuwadro na kinalalagyan ng buhay na buhay
na larawan ng aking ama-amahang Hebreo: ulong nakapugong, mga labing ikom na
ikom. Ang kabuuan niyo’y larawan lamang. Sa sandaling tinatanaw ko ang
larawan’y parang kong napansing yao’y
gumalaw, para akong napansing ang mukha’y natinag. Subali’t hindi magkakagayon.
Yao’y isang larawan lamang. At saka , patay na ang aking ama-amahang Hebreo. Ngayon
ang ikalabintatlong gabi ng kanyang pagkamatay.
Labintatlong gabi na siyang patay nguni’t
parang buhay pa siya. Waring narito pa sa silid ang kanyang katauhan, parang
gumagalaw siya sa kabuuan ng silid na ito.
Sa tabi ng malaki at itimang aparador ay
nakalahayhay ang maraming aklat. Yaon ang katipunan ng aklat ng aking yumaong
ama-amahan: maiitim na ang pabalat niyon at matitiyak na mga luma na, ang mga
salitang nakalimbag sa takip ay Latin bagama’t sang-yon sa aking ama-amaha’y sa
iba’t ibang matatandang wika nasusulat yaon. Malapit sa halayhay ng mga aklat
ang hapag na kinappapatungan ng isang lumang telepono. Yaon ang ginagamit ng
aking ma-amahan sa pakikipag-usap sa mga tumatawag sa kanya kung gabi.
Noon pa
manga raw ay sinasabi na niya sa aking mahiwaga ang kanyang mga aklat. Sinasabi
niyang yao’y nauukpl sa paniniwala niya sa pananampalataya, sa kahiwagaan ng
kalikasan at ng kaluluwa ng tao.
Kapag inusisa
ko ang sinasabi niyangg kahiwagaan ay hindi niya ako tinutugon. Sinasabi
niya sa akin: “Diego, inampon kita mula nang ikaw ay maliit pang naulila sa mga
magulang. Kung sasabihin ko sa iyo ang mga kahiwagaang iyan ay hindi magiging
mahiwagan sa iyo. Kaya lamang maganda ang buhay ay may kahiwagaang nais mong
mabatid.”
Iyan
ang sinasabi niya sa akin sa kanyang wikang natutuhan ko na rin sa loob ng
panahong ipinagsama namin. Dalawa lamang kaming niya sa bahay- si Damaso, na
isang utusan,at ako. Kami ang katulong niya sa pamumuhay. Ang kanyang
pinagkakakitaan ay magaang gawain. Sa mga bahay-bahay ng kanyang kalahi ay
nagtutungo siya tuwing Linggo at
kinakaniig ang sinumang nais humingi ng basbas sa loob ng tatlong oras.
Inihahatid namin siya ni Damaso. May
isang tilburi kami at ako ang
nagpapalakad niyon. Si Damaso ang nag-aalaga ng kabayo.
Ukol sa pananampalataya, minsan ay narinig ko
sa kanya ang ganito: “Walang makakapagsabing ang isang pangkat ay siya nan gang
biniyayaan ng Makapangyarihamh. Kinakailangan niyang maghanap ng landas. Ang
landas ay nasa pananalig.”
Kung itinatanong ko sa kanya kung ano ang
kanyang pananampalatay ay hindi niya
sinasabi sa akin.
Hindi ko malaman kung bakit para niyang nahuhulo pati ang aking kalooban.
Marahil ay napapansin niyang hindi ko
pinag-uululan ng pag-aaral ang kanyang mga paniniwala.
Ang bagay na yao’y natuklasan niya isang
araw. Naratnan niya akong nagbabasa ng isang aklat ukol sa paniwal ng isang
ateo.
Sa unang pagkakataon ay nakita kong
nanlilisik ang kanyang mga mata; naginig siya sa tinitimping poot, nangangatal
pati ang kanyang putting balbas. Bigla niyang inihagis ang aklat sa durungawan.
Pagkatapos, aywan ko kung bakit, bigla siyang nanangis. Hindi lamang yaon ang
ipinagtataka ko. Ako’y kanyang niyakap at sinabi niya sa akin: ‘ Diego, nabigla ako. Dapat
igalang ko ang iyong paniwala. Ngunit gayari ang akning masasabi. Makikilala mo
rin ang landas kapag dumating ang takdang panahon”.
Ngayon, sa aking pag-iisa sa silid na ito, alaala na lamang ng akinng
ama-amahang Hebreo ang nagbabalik. Ayaw ko sanang mapag-isa, ayaw ko sanang
mangulial sa bahay na ito lalo na ngayong sumasama ang panahon. Sana’y narito
na lamang si Damaso o kaya’y may kausap ako sa telepono. Mula nang mamatay ang
aking ama-amaha’y mamasukang sereno si Damaso, sa isang matandang manggagamot
na nakatira sa lumang bahay na di
kalayua n kina Magdalena. Sadyang nais kong narito si Damaso, hindi naman dahil
sa ako’y natatakot, ngunit may mga bagay na sinasabi sa amin ni Damaso ang yuamo
bago tuluyang sumakabilang buhay…… Yaon ang pinangangambahan ko.
Bilang
pag-aaliw ay nagbabasa ako ng aklat na gustong gustong basahin ng aking
ama-amahan. Una kong binasa ang isang aklat na nauukol da pananalig ng tao sa
kanyang pananampaltaya, yao’y hindi ko matagalang basahin. Sumunod kong
binasa’y nauukol naman sa mistisismo at sa mga paniwala ng mga mistiko.
Kinutuban ako. Ikatlo kong binasa’y ang aklat ng paham na Hudeo, yao’y
binitiwanko- ngayo’y bukas pa rin sa huling
pahinang binabasa ko nang yao’y bumagsak sa sahig.
Tumunog ang matandang orasa. Buong
labindalawa ang tugtog sa kanyang pinagsesernuhan kanginang gumagabi ay
ibinubulong pa niya sa akin: “ Diego, ngayon ang gabing itinakda.
Ikalabintatlong gabi ngayon.”
Mula sa aking kinauupua’y tumindig ako.
Laganap sa karimlan. Wari bang ang bagwis niyon
ay namamayagpag- naririnig sa buoong paligid ang mabagsik na
paghuhumugong ng hangin, waring tinig ng nagsusungit na panahon, waring babala
ng anumang maaring manyari. Sa hanay na kinatitirikan ng lumang bahay na ito’y
wala nang nakabukas na ibang tahanan. Mangilan-ngilan lamang ang bahay sa purok
na ito. Sa mangilan-ngilang yao’y magkakalayo pa. wari bang mga ulilang tanod
na naglalamay sa kadiliman. Sa isip ko’y para kong natatanaw ang ulilang bahaay
ng matandang manggagamot na pinagsesernuhanni Damaso. Sa tabi niyo’y may isang
malaki-laking gusaling simbahan ng mga nanalig. At natitiyak ko na sa oras na
yao’y pinid nang lahat ang mga bahay, wari
bang natatakot sa karimlan.
Bumaling
ako. At napadako ang aking paninging galling sa dilim ng larawan ng
aking ama-amahan. Nagyo’y hindi koi big paniwalaaan ang aking sarili: ang
larawa’y parang natinag, gumalaw. Ang matang maiitim at mahiwaga ay parang
lalong napatuon sa akin, katulad na katulad noong huling oras na malapit nang
dumating sa kanya ang kamatayan.
Hindi ko alam na siya’y may-saakit, ngiuni’t
nang gabing yaon, kalaliman din ng
gabing tulad nito ay ginulantang niya ako sa pagkakahiga.
“Diego,” parang narinig kong tawagniya.
Malamig at naunuo’t ang tinig. Malamig na malamig ang kamay na dumampi sa aking
pisngi. “ Diego, gumising ka.”
“Bakit po, Ama Hosep?”
Sa paninhin ko noo’y lalong mahiwaga ang
kanyang maaitim na mata, sa tingin ko’y waring iba ang kaanyuan ng kanyang
mukha. Ang kanyang paghinga’y madalang, at nalanghap ko ang kakaibang samyo,
para bang samyo ng mga bulaklak, para bang samyo ng pambihirang kamanyang,
samyong para noon ko lamang naamoy.
“ mamatay ako, Diegoo,” anya. Malamig at panatag ang kanyang tinig.
Napabalikwas ako noon at bigla kong hinarap
ang aking ama-amahan.
“Huwag kang mabigla. Daraating na ang aking
oras.”
Ang nakahawak niyang kamay sa akin ay lalong
naging malamig at ang mukha,- a, ang mukhang yaon- panatag na panatag,
mahinakong- mahinahon sa harap ng kamatayan.
“Iiwan ko sa iyo ang bahay na ito at ang
aking mga aklat.”
“ Nagbibiro kayo, Ama Hosep.”
“ Ingatan mong mabuti ang mga aklat kahit
pagkagiba ng bahay na ito, kakailanganin mo ang mga aklat,”
Noon, ang aking ama-amahan ay tumitig sa
akin, yaong titrig na parang hindi na magwawakas, yaong titig na,-o, paano ko
mailalarawan ang kabuuan ng titig na yaon. Noon , marahan niyang sinabi: “
Mamamatay ako sa silid na ito sa ganap na ikalabindalawa ng gabi.”
Bumitiw ako sa pagkakahawak ko kay Ama Hosep.
Dinama ko ang aking mukha upang matiyak
na ako’y hindi nananaginip o kaya’y nahihibang. Hindi na ako nananaginip.
Sumigaw ako.
“ Damaso! Damaso!”
Nguni’t parang walang lumalabas na salita sa
aking bibig, parang akong biglang naumid. Muli akong sumigaw. Kaginsa-ginsay
nabuksan ang pinto, at sa isang tao ang mabilis na pumasok. Dala-dala nito ang
itim na krus.
“ Tumawag ka ng doctor, Damaso… Bakit ka may
dalang krus Damaso?”
“ Alam niyang kailangan ko ang krus,”
mahinahong tugon ni Aamng Hosep, “ Halina, Damaso. Manainga kayo ni Diego.”
Magkalapit kami ni Damaso. Hinahawakan ko ang
kamay ni Damaso upang muling tiyakin kung ako’y hindi magulantang o nahihibang.
Nguni’t wasto ang aking pakiramdam. Hawak- hawak ko ang kamay ni Damaso.
Nguni’t nang tingnan ko- ang kamay ni Ama Hose pang hinahawakan ko.
“ Diego, isang bagay lang hihilingin ko.”
“ Ano po iyo?”
“ Itago mo ang jkrus na iyan sa iyong baul at
tuamlaga sa anumang mangyayari sa
ikalabintatlong gabi.”
Noo’y idinampi niya ang kanyang nanlalamig na
kamay sa aking pisngi. Matagali niyang pinamalagi roon ang kanyang kamay.
“ Damaso,” baling niya sa utusan, “ isang
bagay rin ang hihilingin ko sa iyo.
Isabit mo sa silid na ito ang larawan ko
at magpako sa ibabaw niyon ng isang krus.”
Pagkaraan ng ilang sandali’y nandalang ang
paghinga ni Ama Hosep. Halos di ako makapaniwalaang sa loob ng ilang sandal
lamang ay buglang magbabago ang kanyang kalagayan, na ang ilang sandaling yao’y
magiging pagitan ng kanyang buhay at
kamatayan.
Ang krus ay mahigpit niyang hinahawakan,
matagal na hinawakan at saka dahan-dahang idinampi sa kanyang labi.
Ang sumunod na pangyayari’y hindi ko halos
mapaniwalaan; pagtugtog ng labindalawa sa lumang orasan ay nalagutan na siya ng
hininga. Kagya’t kong tiningnan ang aking orasang pambulsa- ganap ng
ikalabindalwa! Ang iba’y karaniwan na sa akin- tinupad ni Damaso ang utos sa
kanya, nguni’t ang sa akin, aywan ko kung bakit hindi ko matupad. Marahil dahil
sa katutubo kong takot o kung anumang damdamin yaon laban sa mga krus.
Ang krus
ay itinapon ko sa kasukalan. Isang gabi’y niyaya ko si Damaso. Sinabi lo sa
kanyang may gagawin lamang ako sa kasukalan. Naiwan siya sa tilburi. Malapit sa
tinitirhan ni Magdalena nag pinagbaunan ko niyon. Hindi ko malaman kung bakit
hindi ako mapalagay king nakikita ang krus na itim na yaon, hindi ko malaman
kung bakit may katutubo akong pagkabalisa sa harap ng isang krus. Ang krus sa
ibabaw ng larawan ni Aamng Hosep ay hindi ko matitigan: natatakot ako. Iisang
bagay lamang ang sinusunod ko ngayon- ang tumlaga sa anumang mangyayari sa
ikalaabintatlong gabi kung kaya ako nakatatagal sa silid na ito.
Ang
damdamin ko laban sa mga krus ay
nasabi ko narin kay Magdalena, isang matapat
na kaibigan. Yaon ang dahilan
kung bakit naging malupit siya sa kain. Kailangan daw mabago ang aking
naliligaw na damdamin. Tutulangan daw niya akong tumawag sa kanyang
Makpangyarihan. Bagaman hindi ako napaninibulos sa kanyang mga pananalig ay
biniyayaan ko siyang magpaliwanag ukol sa kanyang pananampalataya, sa kanyang
wagas na paniniwala. Kung siya’y nagsasalita ay wari bang wala munti mang agawm
agam ang kanyang kalooban.
O, kung mapapawi lamang ang agam-agam ko s asandaling
ito!
Nagambala ang aking pagninilay nilay nang biglang humuni
ang kabayo sa silong. Yaon ang kabayong isinisingkaw namin ni Damaso sa
tilburi. Aywan ko kung bakit nabulahaw ang kabayong dati’y ni hindi naglilikot.
Nagpalakd-lakad ako sa silid. Ngayon, ang sarili kong
yabag ang lumikha ng mumunting ingay na nakikisalamuha sa ingay ng huamhagunot
na hangin sa labas. Ngayo’y hindi lamang
hangin ang sumasabol sa matandang bahay. Sumanib ang umaatik na ulang
itinataboy ng hangin at yao’y lumilikha ng alingawngaw sa karimlan.
Pinilit kong huwag mapadako ang aking paningin sa larawan
ni Ama Hosep, inaalo ko ang aking sarili; walang mangyayari, guniguni ko lamang ang mga bagay
na gumagambala sa akin. Nguni’t hindi ko malaman kung anong hiwagang
panghikayat mayroon ang larawang yaon. Bahagya akong bumaling at sinulyapan ang
larawa. Gaya rin ng dati- mga matang
parang buhay na buhay, maitim at mahiwaga, mukhang parang gumagalaw habang
tinitigan.
Muling tumugtog
ang matandang orasan. Tiningnan ko. Halos bahagya pa lamang natatapos ang
huling ulinig ng matandang orasan ay biglang gumuhit ang isang matunog na
kriing. Matulin akong nagtungo sa telepono.
Kinakabahan ako kung paao at mandi’y nasasabik ding kung
paano. Iniangat ko ang lumang awditibo.
“ Hello….” Tawah ko.
Sumandali akong maghintay. Sa simula’y tinig na halos
bahagya lang maulinigan ang tila tumugon sa kabilang kawad. Lalo kong inilapit
ang panainga ng telepono.
“ Diego,” aang nasa kabilang kawad. Mahinang mahina.
“ Sino ba ito?” humihingal ako.
“ Daluhan mo ako. Kailangang- kailangan. May malubhang pangyayari.”
“ Sino k aba at ano ang nagyayari?”
“ Wala nang panaahon. Dali ka sana.”
Yaon lamang. Wala narinig kundi ang pagbaba ng telepono,
nguni’t ang tinig ay waring nanunuot sa aking pandinig, mahina , malamig,
mahiwaga.
Sa sandaling yao’y lalong nag-ibayo ang aking alalahanin.
Nagtatalo ang aking kalooba. Masama ang panahon. Iisa lamang ang kakilala kong
nakakaalam ng numero ng teleponong ito- tanging si Magdalena. Ano kaya ang
nangyari kay Magdalena. Bunsod ng katanungang yao’y madali akong nagbihis.
Sinisikap kong pasiglahin ang aking sarili. Sumisipol
sipol pa ako. Subali’t walang tunog na lumabas.
Hindi ko pinatay ang ilaw. Dahan-dahan kong ipininid ang
pinto, at bago ako tuluyang nanaog ay panakaw pa akong sumulyap sa larawan ni
Ama Hosep. May natanaw ako parang kumislap sa ibabaw ng larawan. Dali- dali
kong ipininid ang pinto. Sinalubong ako ng masinsing hagupit ng hangin. Ang
itiman kong balabal ay ikinulandong ko sa aking
mukha at ikinambit sa aking katawan.
Ilang sandal pa, ang tiburi’y sumasagasa na sa karimlan.
Ang lampara ng tilburi ang tanging liwanag na humahawi sa nakalaganap na dilim,
waring titis na sumusunog sa malalapad na bagwis ng karimlan. Nguni’t
pagkatapos, ang dinaana’y nanunumbalik sa pusikit na kawalang-liwanag.
Malayo-layo na ako sa bulaos ng matandang bahay ay para
ko pang natatanaw yaon isang lumang balangkas na animo’y kalansay na lamang ng
isang gusali.
Habang daa’y itinatanong
ko sa aking sarili kung ano kaya ang nangyari kay Magdalena. Hindi ko
matiyak kung siya na nga, ngunit wala akong nalalamang ibang tatawag. Marahil
ay sadyang may malubhang pangyayari. Pinatulin ko ang kabayong puti. Lalong
tumingkad ang kaputian ng kabayo sa
karimlang dinaraanan ng tilburi.
Magalaw ang ulo ng kabayo- waring linalabanan nito ang
malakas na ulan at sumasabol na hangin.
Malapit na ako kina Magdalena. Marami- raming bahay sa
gawing yaon.mula roo’y natanaw ko ang isang matandang gusaling pinagsesernuhan
ni Damaso. Yao’y isang lumang bahay na tinitirhan ng matandang manggagamot.
Mula roo’y naaanag-agan ko ang naghuhumindig na krus sa tore. Aywan kung bakit sa sandaling tumanaw ako sa
krus ay parang nakakita ako ng humagkis na liwanag. Itinuon ko roon ang aking
paningin at niloob kong sana’y hindi totoo ang aking nakita, na yao’y bunga
lamang ng aking guniguni. Wala na akong nakitang ibang pang kislap.
Sumisidhi ngayon
ang aking pangamba. Sinisikap kong
paglabanan ito. Hinugot ko ang latiko at hinagupit ang kabayo. Subali’t sa
halip na tumulin ito’y biglang- biglang tumigil. Inasbaran ko ng sunod sunod.
Ang kabayo’y umiigtad lamang sa bawa’t
hagupit nguni’t ayaw tumakbo.
Sa kabila ng papalakas na hangin na ngayo’y sinasaniban
ng papalakas na ulan ay naramdamankong nagpupuyos ang pawis sa aking noo, yao’y
naramdaman kong tumatagistis sa aking pisngi. Nanulay sa pisngi ko ang nanunuot
na lamig. Sinlamig ng kamay ni Ama Hosep nang idampi sa akin bago sumakabilang-
buhay.
Kaginsa-ginsa, animo’y sa isang bungang –tulog, isang
anino ang natanaw kong tumatakbo buhat sa matandang gusali. Lmatuling lumalapit
ang anino at aywan ko kung tama ang aking hinuha, palagay ko’y sa akin patungo
ang aninong yaon- kung sinuman siya.
Sa sanndaling yaon, aywan ko kung bakit, biglang- bigla
kong naiusal: Tulungan mo po ako…. Sa
sandaling yao’y naalala kong sa kasukalan ng pook na ito itinapon ko ang krus,
at sa pag-iisip ko nito’y kung bakit nanaig sa akin ang walang pangalang takot-
sa kung kangino’y hindi ko rin alam.
Narinig ko ang mga yabag- papalapit na ang isang
tumatakbo. Muli kong hinawakan ang latiko at hinagupit ang kabayo. Nais kong
lumayo sa pook na itong pinagtapunan ko ng krus, hangad kong tumakas sa pook na
itong kinatatanawan ko ng krus sa
simbahan. Nguni’t ang kabay’y nanatiling umiigtad lamang sa aking hagupit.
Itinalaga ko ang aking saril sa anumang pangyayari,
ipinaubaya ko sa anumang kapalarang maaring dumatal sa akin.
Nang malapit ang anino’y hindi ako halos makapaniwala.
Iniisip kong ako’y dinadaya lamang ng kadiliman, na ako’y hindi nakakakita nang
maayos. Kinusot ko muna ang aking mga mata upang matiyak na ako’y hindi
nawawalan ng pakiramdam.
“Diego,” humihingal na tawag ng dumating. Lumapit siya sa
akin. Nakabalabal ng puting-puti.
Sa liwanag ng lampara’y matagal niya akong tinitingnan.
Pagkatapos, iniabot niya sa akinang isang bagay na nakabalot. Naginginig ang
kanyang kamay, aywan ko kung sa ginawo sa
umaaling takot.
“ May nagpapabigay sa iyo,” anya
“ Ano ito?” tanong ko at alinlangan kong hawakan ang
kanyang iaabot.
“Buksan mo.”
Sandal akong natigilan nguni’t may kung anong
makapangyarihang lakas na nag-udyok sa akin upang tingnan yaon- kung anuman
yaong nababalutan ng itimang paha.
Dahan-dahan kong binuksan.
Sa sandaling yao’y hindi
ko na alumana ang lalong pagpupuyos na ulan. Ang tanging tumawag sa
aking pansi’y ang aking nakita. Ang una
kong ginawa’y hawakan ang kaharap ko upang matiyak ko na siya nga ay tao at
hindi kaluluwang kaharap ko. Ang ikalawa kong ginawa ay salatin ang aking mukha
upang tiyakin kung ako’y nagkamaling ako’y buhay at may matinong pag-iisip. Ang
ikatlo kong ginawa’y ang magtanong sa sarili kung ako’y hindi nananaginip o
nahihibang. Nguni’t ako na rin ang tumugon sa aking katanungan: Ako’y buhay.
Nasa harap ko si Damaso. Wasto ang aking pag-iisip at ako’y hindi nananaginip.
Pagkatapos niyo’y natiyak ko na rin- krus ang hawak hawak kong nakabalot sa
itimang paha, at hindi karaniwang krus-
yaon ang krus na itinapon ko sa kasukalan ng pook na yaon.
Sa harap ng mga pangyayaring ito’y parang namanhid na ang
aking kamalayan, waring nakatalaga na ako sa lahat ng kahiwagaan, waring
nakahanda na ako sa ano pa mang hindi sukat asahan. Nguni’t kung anuman ang
ayos ko noo’y nahihiwatigan ko lamang sa ayos ng mukha ni Damaso- nakamaang
siya sa akin, malaki at bilugan ang kanyang nakamulagat na mga mata.
“Sino ang nagbigay sa iyo nito?”
Isang malakas na bugso ng hangin ang nagsaboy ng
malalamig na patak sa aking mukha, at si Damaso’y nagtakip ng kanyang kulandong
na puti. Nang siya’y magsalita ay naginginig ang kanyang tinig.
“Isang matandang di ko nakikilala.”
Nahawakan ko siya sa balikat.
“Kailan ibinigay sa iyo?”
“Kangina lang.”
Napahigpit ang paghawak
ko sa balikat ni Damaso, para bang nais kong pakausisain kung siya’y
nagsasabi ng katotohanan o hindi. Nguni’t ang kanyang mukha’y kinababakasan ng
katapatan.
“Saan ininigay sa iyo?” lumunok ako ngunit ang aking
gawi’y tuyo ang aking lalamunan.
“ Ako’y inutusan ng matandang manggagamot sa may
simbahan. Doo’y may nagbigay sa aking niyan.”
“ Tiniyak bang sa akin ipinabibigay?”
Hindi tumugon si Damaso. Muli niya akong tinignan. Sa
kanyang mukha’y umaagos ang patak ng
ulan, nakakunot ang kanyang noo, marahil ay sa matinding ginaw.
“ Sa iyo ipinabibigay,” kapagkuwa’y bulong niya.
“ Paanong nalamang narito ako?” mabilis ang aking
pagkakanigkas ng tila ba naghihintay ng gayunding katuling katugunan.
“ Sinabing madaratnan kita rito. Nakasakay ka raw sa
tilburing nakahinto.”
Dahan-dahang kumalas ang pagkakahawak ko sa kanyang
balikat. Humahagunot ang hangin. Yao’y parang nagngangalit na tinig ng
kalikasan. Ang bagwis ng kadiliman ay waring nag-uumugong, tanging ang maliit
na lampara ang ulilang bantay na liwanag.
“Umalis tayo rito, Damaso.”
Nang hawakan ko ang riyenda ay biglang nagulantang ang
hayop. Naglulundag ito at humuning parang nahihintakutan, paurong. Lumundag
kami sa tilburi.
Noon, aywan kung
dahil sa anong makapangyarihang lakas, ang hangin ay animo’y di makitang
marahas na pamalo ngkalikasang humahagupit sa paligid. Ang ulan nama’y parang
tumutulong tubig sa isang dumarambang talon. At kaginsa-ginsa, ang
lupa’y yumanig….yumanig…yumanig…. parang niyuyugyog ang isang di- makitang makapangyarihang kamay, parang ibinubunsod ng
isang nagngangalit na lakas na sumusubok sa tatag ng lupa.
“ Lumilindol,” sigaw ni Damaso.
Ang lakas ng nag-aalimpuyong hangin at papalakas na
pagyanig ng lupa’y gumimbal sa akin… lumito sa akin… tumakot sa akin. Hindi ko
malaman ang aking gagawin. Lalong naging pusikit ang karimlan, lalong dumahas
ang pagsusungit ng panahon.
“ Takbo na ! Mamamatay tayo rito!” sigaw ni Damaso, at
bigla nang pumulas ito na animo’y isang takas na naghahanap ng kanlungan.
Di-kaginsa-ginsa,
buhat sa malayo’y narinig ko ang isang rumaragasang pagbagsak, nagngangalit,
kagyat at walang habag. Sa sangkisap- mata’y gumuho ang isang lumang bahay sa gulod…. Ang aming
matandang bahay.
Matulin na rin
akong tumakbo. Tinugaygayan ko si Damaso. Sa paligid nami’y hindi magkamayaw
ang pagpapalahawan, at di- kaginsa-ginsa, sa iba’t ibang panig ay nagsilitaw
ang nagpapanakbuhang mga tao. Sila’y nangagsisigawan, nagpapanangisan,
nananawagan sa isa’t isa….
Ang mga tao’y parang hugos na tumatakas na naghahanap ng
tagapag-andukha sa gitna ng marahas na
panganib. Si Damaso’y nagitna sa karamihan at hindi ko na natanaw. Patuloy ang
hagupit ng hangin. Patuloy ang pagyanig ng lupa. Patuloy ang pagpapanakbuhan ng
mga tao sa simbahan. Patuloy ang pagpapalahawan, ang gulo at ingay, ang mga
panawagan, ang pagsusungit ng panahon.
Ako’y nahuhuli sa nagpapanakbuhang mga tao. May
naulinigan akong tumatawag na babae, isang babaing mandi’y nakalupasay sa
yumayanig na lupa.
Bagama’t nalilito pa ako’y wala na akong inaksayang
panahon. Matulin kong pinanglo ang babae.
“ Sa simbahaan mo ako dalhin,” anang babae, at kahit sa
kadiliman, ang tinig na yao’y angkin lamang ng isang babae….ni Magdalena.
Sinagasa ko na ang
karimlan. Hindi ko na ghalos malaman ang daraanan. Isang matalim na kiwal ng
kidlat ang gumuhit sa kaitaasan at sa saglit na paggitaw ng liwanag ay natambad
ang gusali ng simbahan.
Halos mapatid ang aking paghinga nang ilapag ko si
Magdalena sa simbahan.
“ Salamat,” ang marahan niyang bulong.
“ Bakit ka tumawag sa akin sa telepono?” ang
nagugulumihanan kong tanong.
Humihingal siya. “ Hindi ako tumatawag. Ginimbal lamang
ako ng lindol kaya ako nanaog.”
Sa sandaling yaon ay umabot na sa kasukdulan ang
mahiwagang pangyayari at samantalang iniisip ko yao’y isang lalaki ang matuling
nagdaan sa aking harap at ipininid ang malaking pinto n g simbahan nang matiyak
na wala nang nasa labas. Nakamata na lamang ako sa nagaganap sa aking paligid.
Ang paningin kong galing sa karimlan ay binate ng liwanag
at kapayapaan. Di- kaginsa-ginsa, ang mga tinig ay pumailanglang sa
katahimikan: buong mga tinig ng nagsisipanalig, nagkakaisang pagdarasal ng mga
tao sa gitna ng lagim. Ang buong simbahan ay nagliliwanag na para bang ang
lagim sa sansinukob ay hindi makapapasok sa banal na pook na yaon, na para bang ang tahanan ng
pananampalatayang yaon ay ligtas sa mga sakuna ng buhay. Sa kauna-unahang
pagkakatao’y natagpuan ko na lamang ang aking sariling nakaluhod sa tabi ni
Magdalena.
Ngayo’y umaga na. payapa na ang panahon, maaliwalas na
ang panginorin. Ang mga pangamba at lagim ng nagdaang gabi’y hindi ko pa rin
matiyak kung sadyang kahiwagaan, panagimpan o isang bungang-tulog. Subali’t
ngayon, sa kauna-unahang pagkakatao’y nakadama ako ng kapayapaan, isang
kapayapaaang noon pa lamang nakapanaig sa aking buhay.
salamt po :)
Meriepotzzzzz